Pagislam
(Maikling Kwento mula sa Mindanao)
Napaangat sa pagkakasandig sa pasimano ng bintana ang ulo ni Ibrah nang maramdaman niya ang rumaragasang yabag ni Tarhata, ang kanyang kapatid. Kipkip nito ang ilang baru-baruan patungo sa silid na pinagmulan ng nag-iihit ngunit maliit na tinig ng pag-iyak, batid ni Ibrah na dumating na…dumating na ang kanyang hinihintay. Parang gusto niyang lumundag. Lálaki kayá? Babae kayá? Kung laláki ay…Hindi na niya napigil ang kanyang sarili. Napasugod siya. Totoong sabik na sabik siyang makita ang batà at si Aminah.
“Laláki! At malusog na malusog!” mataginting na wika ng panday habang binibihisan ang bagong silang na sanggol. “Oh! Aminah, wala na akóng mahihiling pa kay Allah. Dininig din niya ang ating panalangin,” wika niyang sabay haplos sa pawisang noo ng asawa. Ipinukol ni Ibrah ang nananabik na paningin sa sanggol na hawak pa rin ng panday. Gayon na lámang ang kanyang kagalakan nang makita niyang parang nagpupumiglas ang sanggol sa pag-iyak.
“Makisig at laláking-laláki talaga ang aking anak. Manang-mana sa kanyang ama,” bulong sa sarili ni Ibrah. Nása gayong pagmamalaki sa sarili si Ibrah nang marinig niyang may sinasabi ang kanyang ina. “Mas mainam siguro kung susunduin mo na ang Imam upang maisagawa na ang bang.” Hindi na pinakinggan ni Ibrah ang iba pang sinabi ng ina. Magaan ang loob na tinungo niya ang tirahan ng Imam. Masayang ibinalita niya sa Imam ang panganganak ng asawa at magalang na inimbita ito para sa seremonyang dapat isagawa para sa isang bagong silang na anak ng Muslim. Ikinagalak ito ng Imam at dali-daling hinagilap ang kanyang dasalan para sa gagawing seremonya.
Tahimik na nakamasid ang mga kasambahay ni Ibrah habang banayad na ibinubulong ng Imam sa kanang tainga ng sanggol ang bang.
“Allahu Akbar, Allabu Akbar Allahu Akbar, Allabu Akbar Ash-hadu, Allah la Ilaaha
Ash-hadu, Allah la Ilaaha Wa ash-hadu, Anna Mohammadur Rasullallah,
Wa ash-hadu, Anna Mohammadur, Rasullalah,
…ang magagandang aral niya.”
“Ngayong isa ka nang ganap na alagad ni Allah, nawa’y panatilihin mo ang magagandang aral niya,” dugtong pa ng Imam. “Kailan naman ang paggugunting?” nakangiting tanong ng Imam. “Tulad po ng nakaugalian, pitong araw mula ngayon,” sagot ni Ibrah.
Masuyong inalalayan ni Ibrah ang Imam sa pagbaba at inihatid ito sa kanyang tirahan. Ang sumunod na araw ay lubhang naging abalá para sa mag-asawa. Totoong di nila maatim na ang kauna-unahang bunga ng kanilang palad ay hindi pa mahandugan ng buo nilang kaya. Ilang araw bago sumapit ang paggugunting, napag-usapan ng mag-asawa ang ipapangalan sa anak.
“Ano kayà ang mabuting ipangalan sa ating anak?” sabik na tanong ni Ibrah kay Aminah. “Abdullah,” sagot ni Aminah. “Kaygandang pangalan, Abdullah. Bagay na bagay talaga sa ating anak,” pagmamalaki ni Ibrah.
At sumapit ang araw ng paggunting. Sa bahay ay maraming tao, halos naroon nang lahat ang mga kapitbahay na tutulong. Maaga pa’y kinatay n ani Ibrah at ilang katulong ang limang kambing na sadyang inihanda bilang alay at pasasalamat sa pagkakaroon nila ng supling. Samantala, ang kababaihan nama’y abalá sa pagaayos ng hapag-kainan at paghahanda ng masasarap na kakainin para sa mga panauhin. Ilang sandali pa’y dumating na ang Imam at ibang pandita. Sa saliw ng Balyanji, isang katutubong awit, sinimulan na ang paggunting. Lumapit ang Imam kay Abdullah na kasalukuyang kalong ng ina at gumupit ng kapirasong buhok sa batà. Ang ginupit na buhok ay maingat na inilagay ng Imam sa isang mangkok ng tubig. Tahimik na pinagmasdan ito ng lahat.
“Wala ni isa mang hibla ng buhok ang lumubog sa tubig!” sigaw ng karamihang nakapaligid. Sapat na itong narinig nina Ibrah at Aminah upang umapaw ang kagalakan sa kanilang mga puso. Nakapipiho siláng papatnubayan ni Allah ang paglaki ng kanilang anak. Maganda ang hinaharap nito sa búhay.
Ipinagbunyi ng mga tao ang magandang kinalabasan ng seremonya. Bawat isa sa mga panauhin ay nagbigay ng pera at regalo para sa batà. Siyang-siya ang magasawa sa kanilang nasaksihan. Abot-abot ang kanilang pasasalamat sa mga dumalo sa paggugunting kay Abdullah. “Ilang panahon pa’y masasaksihan naman natin ang huling yugto ng pagislam ni Abdullah,” wika ng isang panauhin.
“Pihong mas malaking handaan iyon, ano, Ibrah?” biro ng isa pa.
“Hayaan ninyo at pitóng taon mula ngayon ay imbitado kayong muli,” nakangiting sagot ni Aminah.
“Sana, kasabay ng Maulidin Nabi para masaya,” mungkahi ng iba.
“Tiyak iyon,” halos panabay na wika ng mag-asawa habang masuyong pinagmamasdan ang inaantok na si Abdullah.
Share
Answer:
Abdullah at ibrah aminah